1 Matching Annotations
  1. Nov 2023
    1. Ang pag-aaral tungkol sa kasaysayan, sosyolohiya, at anthropolojiya ng relihiyon, kaugnay sa Katolisismo sa Pilipinas ay mailalarawan sa "relihiyong popular" o "relihiyong pambalana." Ang panimulang uri ay tumutukoy sa mga pang-araw-araw na manipestasyon ng paniniwala sa loob ng dimensiyon ng simbahan o institusyon ng relihiyon, samantalang ang huli ay naglalarawan kung paano nakikisali ang paniniwala at relihiyon sa mas malawak na dimensiyon ng lipunan, sa publiko sa kabuuan. Ang debosyon ay nagpapakita ng malalim na pagsasabuhay ng paniniwala na nakasentro sa pangkasaysayang karanasan, kinagisnang tradisyon, at mga pangkasalukuyang kaligiran. Kalakip sa pag-aaral na ito ay ang pagtanaw sa kasaysayan, at sumusuri sa kontemporanyong kalagayan ng pagsasabuhay ng mga Katolisismo sa Pilipinas. Ang layunin ng pananaliksik na ito ay suriin ang pangkalinangang ugnayan ng Kristiyano sa Malabon: ang Romano Katolikong Parokya ng La Inmaculada Concepcion (PLIC) at ang Parokya ng La Purisima Concepcion (PLPC) ng Iglesia Filipina Independiente (IFI). Malaki ang ambag ng dalawang simbahang ito sa pangkasaysayan, pangkalinangan, at pangrelihiyong pagyabong sa nagdaang mga siglo. Marami ang pinagkapareho ng dalawang institusyon, at kapwa sila nagsasagawa ng malalaking pagdiriwang bilang pagsamba sa Birheng Maria. Isa pa sa naging layunin ng pag-aaralal ay suriin ang debosyon at panata, at ang kaugnayan nito sa pang araw-araw na pamumuhay, at kung ano ang naging daloy ng ugnayan ng mga institusyong mayroong magkahawig na debosyon at konteksto ng isang heograpikal, pulitikal, at sosyo-kultural na espasyo. Sa mga nagdaang panahon ay marami ang naganap na sigalot sa pagitan ng Simbahang Katoliko at ng Iglesia Filipina Indendiente sa Malabon, na nagdulot ng hidwaan at pagbubuklod ng mga Kristiyanong miyembro ng dalawang simbahan. Nagkaroon ng magkaibang pananaw na nagdulot ng hindi pagkakaunawaan sa dalawang panig, ngunit sa sumakatuwid ay ang pagtutulungan sa mga sumunod na dekada, hanggang sa kasalukuyang institusyunal na ugnayan ang dalawang simbahan. Isang sentral na paksa ng tunggalian ng dalawang institusyon ang usapin tungkol sa orihinalidad ng estatwa ng Birheng Maria na iniingatan ng bawat isang simbahan. Ang pagbabalik-tanaw at pag-alaala ng mga Romano Katoliko at Aglipayano patungkol sa sigalot sa pagitan ng dalawang simbahan ay umukit na sa kasaysayan at naging bahagi ng nakaraan, nagdulot man ito ng pagkakahati at masamang pagtingin ng dalawang simbahan sa bawat isa ay hindi naging rason upang matinag ang kanilang debosyon. Ang kasaysayang ito ay sumasalamin sa kanilang panata, at ang pagsasakatuparan ng kanilang pagpapahalaga batay sa inaakupang kolektibong pananaw. Inilahad din sa pag-aaral na ang pamamanata ay nakaugat sa kalinangang bayan ng Pilipinas bilang isang sandigan ng malalim na pag-unawa sa mga aral ng relihiyon at bilang gawi at halaga sa pagpapakatao ng mga Pilipino. Ito ay isinasaalang-alang sa larangan ng sikolohiyang Pilipino, na layunin ang pag-aaral sa kamalayan, ulirat, isip, kalooban, at kaluluwa ng tao, pati na rin sa konsepto ng pagkatao, damdamin, at panlabas na katangian, batay sa karanasan, kaisipan, at oryentasyon ng Pilipino. Sa pag-aaral ng mga pamantayan o pagpapahalaga, itinuturing ang mga ito bilang panukat sa larangan ng pagdedesisyon at pakikitungo sa tao. May tatlong antas ng pagsasabuhay ng mga pamantayan: halaga, asal, at diwa. Ang halaga ay nagbabadya ng kaasalan at batayan ng paghihimay sa mga pangyayari o sitwasyon, at ginagabayan ng tao sa kung ano ang sa tingin niya ay katanggap-tanggap o hindi. Ito ay isang kritikal na tagapagsulong ng kaasalan at pag-uugali ng tao, at binibigyang espasyo ng kalinangan, panlipunang institusyon, at mga pangindibidwal na karanasan upang maipahayag at isabuhay. Sa antas ng kolektibo o pangmadla, ang lipunan ay nagtatakda ng napagkasunduang pamantayan ng kaugalian hinggil sa mga gawi at kaasalan. Sa pagtatapos, ang pag-aaral na ito ay naglalahad ng pagtitimbang sa kasaysayan at salaysay ng mga kinapanayam na deboto ng Birheng Maria mula sa dalawang simbahan sa Malabon upang maunawaan ang iba't ibang mukha, manipestasyon, at pagpapakahulugan ng panata at sa pagsasabuhay ng mga Pilipino. Nakita sa pag-aaral na ang panata ay maaaring maging basehan sa pagsasabuhay ng maigting na pananampalataya, pakikipagkapwa, at pagpapakatao. Ipinakita rin na ang panata ay nakabatay sa kuwentong nagmumula sa mga indibidwal na nakaranas o isinabuhay ito. Sa kabuuan, ang panata ay isang kasangkapan upang baguhin ang isang bagay, kaisipan, pakiramdam, at gawi tungo sa makabuluhan, mapagpahalaga, at may katuturang pamumuhay, nang sa gayo'y malikha ang isang naaangkop na larawan, representasyon o simbolismo ng realidad. Ang pag-aaral na ito ay naglalayong maunawaan ang iba't ibang kahulugan ng panata sa konteksto ng kalinangang Pilipino.